NAGBABADYA ang panibagong yugto naranasan sa mahigit tatlong dekada na ang nakakalipas, bunsod ng nakaambang krisis sa enerhiya sa pagsapit ng susunod na taon.
Inamin ito ni Energy Undersecretary Benito Ranque, kasabay ng paalalang kailangan ang agarang pagkilos ng susunod na administrasyon sa pamumuno ni President-elect Ferdinand Marcos, Jr., upang maibsan ang perhuwisyo dahil sa kakapusan ng supply ng koryente.
Gayonman, agad pinawi ng nasabing opisyal ang pangamba ng marami kasabay ng paglalatag ng mga agarang solusyong aniya’y maaaring gamitin sa mahabang panahon.
Ayon kay Ranque, kailangan maging bukas ang pamahalaan sa paggamit ng makabagong teknolohiyang kalakip ng “modular nuclear reactors” na puwedeng ibiyahe saan mang panig ng bansa.
Paliwanag ng opisyal, may kakayahang magpailaw sa isang buong isla ang bawat unit ng mga modular nuclear reactors na ginagamit na rin ng mauunlad na bansa tulad ng China at Estados Unidos.
Nang tanungin kung ano ang basehan sa pangambang krisis, inamin ni Ranque, nabigo ang mga nagdaang Kalihim ng DOE na isulong ang agenda sa enerhiya, partikular ang pagtataguyod ng mas maraming power plants na tutugon sa lumalaking pangangailangan ng lumulubong populasyon.
Paglalarawan niya, hindi hamak na mas mura, madaling ibiyahe at katumbas ng isang buong planta ang kayang ibigay na koryente ng mga modular nuclear reactors – lalo sa mga islang pirming binabayo ng masamang panahon.
Higit na angkop isama sa kasunduan sa pagitan ng Filipinas at foreign contractor ang mga pagpapadala ng mga ekspertong magpapatakbo ng aktuwal na operasyon. Dapat rin aniyang isaalang-alang ang usapin sa nuclear waste disposal. (GINA GARCIA)