MATAGUMPAY na lehitimong engkwentrong naganap sa pagitan ng mga kasundaluhan ng 1st Infantry Battalion ng Philippine Army sa pamumuno ni Lt. Col. Danilo Escandor, at teroristang grupong New People’s Army (NPA) na kabilang sa PLTN 2, YGM, KLG Narciso at Execom, SRMA 4A sa pamumuno ni Janice Javier alyas Yayo/Tax at Noel Madregalejos alyas Luis sa Sitio Anibongan, Brgy. Magsikap, bayna ng Gen. Nakar, sa lalawigan ng Quezon, nitong Linggo, 5 Hunyo.
Sa impormasyong ibinigay ng mga residente sa kasundaluhan sa nasabing barangay, may mga armadong grupo na nagre-recruit, nangongoton ng pera at pagkain sa mga residente sa nasabing lugar.
Dahil sa natanggap na impormasyon, agad na umaksyon ang mga kasundaluhan sa pamamagitan ng isang operasyon upang matuldukan ang ang mga maling gawain ng grupo.
Ayon sa mga awtoridad, habang sila ay papalapit sa kuta ng grupo ay sinimulan na silang pagbabarilin na naging dahilan upang sila ay gumanti ng putok na tumagal ng halos limang minuto.
Matapos ang labanan, nasamsam sa pinangyarihang lugar ang isang M16 Assault Rifle, isang hand grenade, anim na magazine ng M16, 106 bala ng 5.56mm, dalawang bandoliers, isang cellphone, tatlong medical kit, isang improvised explosives device (IED), tatlong backpack na may mga lamang personal na pag-aari ng mga terorista tulad ng iba’t ibang uri ng gamot at mga subersibong dokumento at aklat tulad ng Saligang Batas ng Partido Komunista, Limang Gintong Silahis, at siyam na poncho.
Sinabi ni Lt. Col. Escandor, ang patuloy na pakikipagtulungan at pagbibigay ng impormasyon ng mga mamamayan sa ating mga kasundaluhan ang siyang naging susi upang matagumpay na magapi ang teroristang grupo at binigyan diin din nya na lalo pang paiigtingin ng 1IB ang operasyong militar sa kanyang nasasakupan sa mga ayaw talikuran ang maling ideolohiya upang tuluyan ng masupil ang mga nalalabing miyembro ng mga teroristang grupo na nagpapahirap sa ating mamamayan.
Samantala, ipinaaabot din ng Punong Opisyal katuwang ang MTF-ELCAC ng Gen. Nakar, Quezon sa pamumuno ni Mayor Eliseo Ruzol ang panawagan sa mga natitira pang miyembro ng mga teroristang grupo na talikuran na ang armadong pakikibaka at magbalik-loob na sa pamahalaan at samantalahin ang mga benepisyo sa ilalim ng programang Enhanced-Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) upang makapag bagong-buhay at makapiling na nilang muli ang kanilang mga mahal sa buhay kalakip ang lahat ng mga benepisyo sa nasabing programa para sa mga nagnanais magbalik-loob.
Taos pusong pagpasasalamat ang pinaaabot ni Lt. Col. Escandor sa mga residente ng nasabing komunidad sa patuloy na pagbibigay ng mahusay na impormasyon upang matukoy ang pinagkukutahan ng mga teroristang grupo at bilang pagpapakita ng pagkondena sa mga gawain ng mga terorista sa Hilagang Quezon. (BOY PALATINO)