ARESTADO ang limang sabungero matapos salakayin ng pulisya ang isang ilegal na tupadahan sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala Malabon City police chief Col. Albert Barot ang mga naaresto bilang sina Roger Versoza, 52 anyos, Lucky Barizo, 25 anyos, Elvin Austerio, 42 taong gulang, Eduardo Yanga, 47 anyos at Zaldy Alianciano, 44 anyos na pawang residente ng Brgy. Catmon ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ni PSSg Jeric Tindugan, nakatanggap ng impormasyon mula sa Barangay Information Network (BIN) ang mga operatiba ng Malabon Police Intelligence Section tungkol sa nagaganap umanong tupada sa Hernandez St., Brgy. Catmon.
Agad nakipag-coordinate ang mga operatiba ng Intelligence sa Malabon Police Sub-Station 4 bago pinuntahan ang naturang lugar sa pangunguna ni PLT Glenn Mark De Villa para alamin ang report.
Pagdating sa naturang lugar dakong 3:40 ng hapon, nakita ng mga pulis ang isang grupo ng kalalakihan na nagtutupada na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Narekober ng mga pulis sa lugar ang dalawang patay na panabong na manok na may tari at P3,400 bet money. (Rommel Sales)