BALIK sa kulungan ang tatlong dating persons deprived of liberty (PDL) nang masakote ng mga awtoridad sa ikinasang anti-drug operations sa bayan ng Taytay, Rizal.
Sa ulat ni Rizal PPO Provincial Director P/Col. Dominic Baccay kay PRO4A Regional Director P/BGen. Antonio Yarra, kinilala ang mga naarestong sina Michael James Bueno, alyas Barog, Mark Christian Natividad, alyas Bilog, at Ranny James Sta. Ana, pawang mga nahatulan sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa naantalang ulat, nadakip ang tatlo dakong 7:30 am nitong 26 Mayo sa No. 52 VA Cruz St., Brgy. Sta Ana, sa nabanggit na bayan.
Ayon kay P/Maj. Joel Custodio, hepe ng Provincial Intelligence Unit (PIU), binentahan ng mga suspek ang isa sa mga operatiba na si P/Lt. Daniel Solano, nagsilbing poseur buyer.
Nasamam mula sa mga suspek ang siyam na transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, tinatayang may timbang na 35 gramo at nagkakahalaga ng P238,000; buybust money; at isang motorsiklong Yamaha Mio na ‘for registration.’
Sasampahang muli ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA9165 ang tatlong ex-convict. (EDWIN MORENO)