ARESTADO ang dalawang lalaking magkapatid matapos makapatay nang hampasin nila sa ulo ang kanilang kapitbahay sa lungsod ng San Pablo, lalawigan ng Laguna, nitong Linggo, 29 Mayo.
Sa ulat ni Laguna PPO Provincial Director P/Col. Cecilio Ison, Jr. kay PRO-CALABARZON Regional Director P/BGen. Antonio Yarra, kinialla ang mga suspek na sina Maximino Oribiada, 34 anyos, mananahi, residente ng Brgy.San Gregorio, San Pablo, Laguna; at Ryan Oribiada, 25 anyos, laborer, residente ng Brgy.Sinipian, Nagcarlan, Laguna.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Garry Alegre, hepe ng San Pablo CPS, nadakip ang mga suspek dakong 7:25 ng gabi kamakalawa sa Rail Road, Brgy. San Gregorio, sa naturang lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring insidente, dakong 4:00 ng hapon kamakalawa nang pinakisuyuan ang biktimang kinilalang si Diolando Banayad na tumulong sa pagluluto sa gaganapin na birthday party sa bahay ni Maximino.
Nang magpaalam ang biktima na uuwi na ay kumuha ng pamalong kahoy si Maximino saka hinampas sa ulo ang biktima, na sinundan ng panghahampas ni Ryan ng bote ng beer sa ulo ni Banayad.
Dahil sa tama sa kaniyang ulo sanhi ng pagpalo, agad binawian ng buhay ang biktima.
Sa follow-up operation ng mga tauhan ng SWAT ng San Pablo CPS, nadakip ang magkapatid na suspek sa kanilang bahay sa nabanggit na barangay.
Nasa kustodiya na ng San Pablo CPS ang mga suspek habang isinasaayos ang pagsasampa ng kasong murder laban sa kanila.
Pahayag ni P/BGen. Antonio Yarra “Pinupuri ko ang San Pablo CPS sa agaran nitong aksyon para madakip ang magkapatid na sangkot sa panghahampas na ikinasawi ng biktima.” (BOY PALATINO)