NASAMSAM ng mga awtoridad ang P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu habang arestado ang pinaniniwalaang drug trader sa ikinasang buy bust operation nitong Biyernes ng gabi, 27 Mayo, sa Brgy. Macatad, bayan ng Siniloan, lalawigan ng Laguna.
Sa ulat ng PRO4A PNP, kinilala ni Regional Director P/BGen. Antonio Yarra ang suspek na si Ronald Allan Flores, alyas Ompong, residente sa Brgy. Macatad, sa nabanggit na bayan.
Inaresto si Flores dakong 6:26 pm noong Biyernes ng mga tauhan ng Siniloan MPS at ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Hindi nakapalag ang suspek nang hulihin ng mga awtoridad matapos bentahan ng shabu ang police poseur buyer.
Nasamsam mula sa suspek ang 11 heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, tinatayang may timbang na 150 gramo at nagkakahalaga ng P1,012,500.
Dadalhin ang suspek at ang mga ebidensiya sa PNP Laguna Provincial Forensic Unit sa Sta. Cruz, Laguna para sa laboratory examination habang inihahanda ang mga kaukulang kaso na isasampa laban sa kanya sa Prosecutor’s Office sa Sta. Cruz, Laguna.
Sinabi ni P/Col. Ison, Jr., “Malaking halaga ng droga ang nakompiska namin sa operation na ito kaya’t iimbestigahan din namin kung may grupo na nag-o-operate dito sa Laguna.” Pahayag ni P/BGen. Yarra, “Kapuripuri ang Siniloan MPS sa accomplishment na ito. Kami ay patuloy na magra-rally laban sa ilegal na droga kapwa sa aming mga operasyon at sa aming mga kampanya ng impormasyon upang itaas ang kamalayan tungkol sa mga nakapipinsalang epekto ng ilegal na droga sa mga kabataan at sa lipunan.” (BOY PALATINO)