PUMUTOK ang pangalan ng isang opisyal ng Department of Public Order and Safety (DPOS) na hinihinalang protektor ng patuloy na operasyon ng ilegal na pasugal sa Quezon City.
Ito ay kasunod ng malawakang operasyon kontra sa lahat ng uri ng ilegal na sugal batay sa kautusan ni Quezon City District Director P/BGen. Remus B. Medina.
Ayon sa impormasyong nakalap mula sa opisyal ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng distrito, nabisto na ‘patong’ umano sa operasyon ang DPOS official na pansamantalang hindi muna pinangalanan, matapos maaresto ang mga indibidwal na naaktohang nangongolekta ng ‘pataya’ sa mga komunidad at itinuro ang suspek.
Tuluy-tuloy na pumutok ang pangalan ng itinurong protektor dahil karamihan sa mga naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ay iisa ang ‘sumisingaw’ na pangalan ng kanilang ‘timbre.’
“Kaya hirap ang pamunuan ng aming barangay na masawata ang operasyon ng ilegal na sugal sa aming lugar dahil sa kaniyang ibinibigay na proteksiyon,” pahayag ng isa sa mga barangay chairman na nakiusap huwag pangalanan matapos humingi ng tulong upang matuldukan na ang pamamayagpag ng ilegal na operasyon sa kaniyang nasasakupan.
“May mga nahuli na dating mga sangkot sa ilegal na sugal sa aming lugar subalit pinakakawalan lang dahil sa kaniyang galamay,” dagdag barangay official.
Dahil dito, lumakas ang panawagan ng mga pamunuang barangay sa lungsod na tutukan ng pulisya ang DPOS official na itinuturong ‘ninong’ ng ilegal na pasugal sa kanilang mga barangay upang maputol na ang pakpak nito sa kaniyang operasyon. (HNT)