TINUPOK ng apoy ang isang residential area sa Baseco Compound sa Port Area, sa lungsod ng Maynila, nitong Huwebes ng gabi, 19 Mayo.
Ayon sa Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR), nagsimula ang sunog sa Block 17, Baseco Compound na tumuntong sa unang alarma dakong 7:40 pm, na agad umakyat sa ikalawang alarma bandang 7:56 pm.
Itinaas ng BFP ang insidente ng sunod sa ikatlong alarma dakong 8:25 pm na agad umakyat sa ikaapat na alarma dakong 8:31 pm.
Idineklarang under control ang sunog bandang 9:36 pm at tuluyang naapula dakong 12:02 ng madaling araw ngayong Biyernes, 20 Mayo.
Nauna nang nagdelakra ang Philippine Coast Guard ng no-sail zone sa Port Area.
Ayon kay Fire Marshall S/Supt. Crossbee Gumowang, natupok sa sunog ang tinatayang 100 bahay na gawa sa light materials na tinitirahan ng higit sa 300 pamilya.
Tinatayang nasa P1,000,000 ang pinsala sa lugar.
Ayon kay Faye Orellana, hepe ng Manila PIO, dadalhin sa Baseco Evacuation center ang mga apektadong residente.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang sanhi ng sunog.