HINDI NAKALIGTAS sa kamatayan ang isang American national nang bumagsak ang kanyang glider sa bayan ng Oslob, lalawigan ng Cebu, nitong Linggo, 14 Mayo.
Kinilala ang biktimang si Peter Clifford Humes, 63 anyos, education and safety director ng Paraglide Tandem International na nakabase sa Ocean City, New Jersey, USA.
Ayon kay P/Col. Engelbert Soriano, director ng Cebu PPO, patuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng insidente.
Dagdag ni P/Col. Soriano, kailangang isailalim ang labi ng biktima sa awtopsiya upang malaman kung may foul play ngunit hinihintay pa ng mga imbestigador ang permiso mula sa pamilya ni Humes.
Ayon sa ulat, nasa Oslob ang biktimang eksperto sa paragliding upang suriin ang mga kagamitan upang matukoy kung kailangang i-upgrade ang pasilidad.
Nabatid na dakong 10:00 am kamakalawa nang magtungo ang biktima sa paragliding spot sa Sitio Canan-aw, Brgy. Poblacion.
Ilang sandali matapos mag-take off ang paraglider, bumulusok ito pababa at bumagsak mula 70 talampakan.
Agad dinala ang Amerikano sa pagamutan kung saan siya idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Masama rin ang panahon nang maganap ang insidente na tinitingnang isa pang sanhi ng pagbagsak ng paraglider.