HANOI — Hindi natinag ang kasalukuyang US Open champion Carlo Biado sa mahirap na laban kontra kay Darry Chia ng Malaysia para itarak ang panalo sa 9-7 nung Sabado at umabante sa quarterfinals ng men’s 9-ball singles sa pagpapatuloy ng 31st Vietnam Southeast Asian Games.
Umalagwa sa 8-3 kalamangan si Biado, 38, nang pumaltos siya sa seven-ball para magkaroon ng pagkakataon na makabalik si Chia sa laban nang magrehistro ito ng apat na sunod na racks.
Hindi nagtuluy-tuloy ang suwerte ng kalaban at nang nagkaroon ng pagkakataon si Biado, ang 2017 singles champion sa Kuala Lumpur, Malaysia na makabalik sa mesa ay tinapos na niya laban.
Si Biado na bronze medalist sa 9-ball doubles ng 2019 Philippine SEA Games na kapartner si Johann Chua ay makakaharap ang mananalo sa labang Thaw Ztet ng Myanmar at Charmrine Touch ng Cambodia.
Isa pang Pinoy entry, si Jeffrey roda, ay sumulong din sa last eight ng men’s snooker 6-red singles, nang talunin niya si Nguyen Pham Hoai ng Vietnam 5-4.
Sa quarterfinals, makakasagupa ni Roda ang mananalo sa labang Chun Kiat Lim ng Singapore at Kritsanut Lertsattayathorn ng Thailand.