IPINAKITA ni Floyd Mayweather ang kanyang ‘betting slip’ sa social media para ipagyabang ang kanyang malaking panalo nang pumusta siya kay Dimitry Bivol laban kay Saul “Canelo” Alvarez nung nakaraang Linggo sa Las Vegas, Nevada.
Sa panalo ni Bivol kay Canelo lalo pang nadagdagan ang pera ni Mayweather dahil sa kanyang pusta.
Namantsahan ang karta ni Canelo ng ikalawang pagkatalo sa kanyang 61 fights at una pagkaraan na matalo siya kay Mayweather noong 2013. At pagkatapos ng talong iyon ay naging dikit-dikit ang panalo para maging undisputed champion sa middleweight divisions.
At sa laban niya kay Bivol ay inambisyon naman niyang pasukin ang teritoryo ng light-heavyweight.
Sa naging laban nina Bivol at Canelo ay lamang sa suntok ang una na halos doble ang dami sa pinakawalang suntok ng huli.
Ang tatlong hurado ay pare-pareho ang kanilang naging iskor na 115-113 para manalo si Bivol via unanimous decision. Pagkatapos ng laban ng dalawa ay inanunsiyo agad sa post fight interview na nais ni Canelo ng rematch na sinang-ayunan naman ni Bivol.
Bago ang laban ng dalawa ay nasilip na ni Mayweather na malaki ang panalo ng dehadong si Bivol kaya pumustang $10,000 na ipinost pa niya sa Instagram na may caption na ‘easy pick up.’
Sa taya ng tinaguriang Money ay kumabig siya ng $42,500 bilang dibidendo.
Nang malaman ni Bivol na sa kanya nakapusta si Mayweather at nanalo ng malaking halaga, napasigaw na lang siya ng “congratulations!”