ni EDWIN MORENO
ILANG vote counting machines (VCM) at ScanDisk (SD) memory card ang iniulat na palyado sa iba’t ibang voting precinct sa ilang bayan at lungsod sa lalawigan ng Rizal.
Base sa ulat ng Rizal PNP, dakong 1:00 pm kahapon, 9 Mayo, araw ng eleksiyon, nang magkaroon ng aberya ang mga VCM at SD cards.
Base sa report, naitalang nagloko ang Storage A ng isang VCM sa Cluster 26, Palaybalay Elementary School sa Jala-Jala, Rizal.
Nagawa ang VCM, ngunit ang problema ay ang SD cards at hinihintay ang approval ng CEMAC NTSC para dalhin ang SD cards A and B sa Sta Rosa, Laguna.
Isa sa dahilan ay hindi binabasa ng VCM ang mga balota sa proseso ng botohan.
Narito ang ilan sa mga naging dahilan at lugar na depektibo ang mga VCM, at SD card:
Sa Bagong Nayon 4 Elementary School, Brgy. Bagong Nayon, Antipolo City, ang nag-iisang VCM ng precinct 593 ay hindi nagbabasa ng balota. Hinintay muna ang desisyon ng Comelec kung papalitan ang VCM.
Sa Muntindilaw Elementary School, Brgy. Muntindilaw, Antipolo City, sa Precinct 541, isang VCM ang depektibo. Sinubukang ayusin ng DESO Technician.
Depektibo rin ang isang VCM sa Cluster Precinct 51, J. Cabarrus Elem School, Brgy. San Jose, Antipolo City Dakong 11:55 am nang iulat ito sa Comelec.
Iniluluwa ng VCM ang isinusubong balota sa E. San Antonio Elem School, Brgy. Dalig, Antipolo City. Hanggang 12:39 am, sa Room 408 Precinct 0474 ay depektibo pa rin ang VCM. Iniulat na rin umano sa Comelec.
Hindi gumana ang VCM sa Cluster 73, Dulong Bayan Elementary School, Brgy. Dulong Bayan, San Mateo, Rizal. Iniulat na pinalitan ang VCM dito.
Isang VCM ang hindi gumagana sa Cluster 14 Painaan Elementary School, Brgy. Pinugay, Baras Rizal.
Nakipag-ugnayan sila sa Comelec Officer hanggang mapalitan ng maayos at gumaganang VCM.
Isang VCM sa Tuna-Balibago Elementary School, sa Brgy. Talim Island, Cardona, Rizal ang hindi gumana at naipitan ng papel.
Nagdesisyon ang local Comelec officials, sa pag-alalay ng dalawang PNP personnel ng MPS, dala nila ang Contingency VCM patungo sa Tuna-Balibago Elementary School (Talim Island).
Sa J. Janosa Elementary School sa Brgy. Janosa, Binangonan, Rizal, isang VCM ang sumalto. Ipinagawa ito sa Comelec technician upang muling ibalik sa voting precinct.
Sa Mabuhay Elem School sa Brgy. Pantok, Binangonan, Rizal, pumalya ang isang VCM na ginawa
ng isang VCM Comelec tecnician sa L. Tabon Elementary School, Brgy. Tabon, Binangonan, Rizal.
Isang VCM na hindi gumagana ang iniulat sa
Comelec Officer at ang depektibong VCM ay agad pinalitan sa M. Buhangin Elementary School, Brgy. Buhangin, Binangonan, Rizal.
Sa Kinagatan Elementary School, Brgy. Kinagatan, Binangonan, Rizal, isang VCM ang sumalto na agad ipinaalam sa Comelec. Sa huling ulat, ipinadala na ang kapalit na VCM.
Nasira ang VCM at nabarahan ng papel sa Manuel I. Santos Memorial National High School (Cluster Precinct 147), sa Brgy. San Juan, Taytay, Rizal.
Ayon kay Nerissa De Leon Balbuena, tinitingnan na ng Comelec ang VCM, habang nagpapatuloy ang pagboto.
Nag-overheat at pumalpak ang VCM sa Muzon Elementary School (Cluster 163) Brgy. Muzon, Taytay , Rizal.b Iniulat ito sa Comelec at sinabing papalitan.
Habang isinagawa ang eleksiyon sa iba’t ibang bayan sa lalawigan, walang naiulat na kaso ng pamamaril, wala rin power failure o brownout at mga insidente ng sunog.