GOYANG, South Korea – Sumungkit ang 40-anyos na si Filipino jin Ernesto “Bhuboy” Guzman Jr. ng gintong medalya sa nakaraang 2022 World Poomsae Taekwondo Championships na humataw sa South Korea nung Abril 21 hanggang 24, 202.
Ang gintong medalyang nasungkit niya ngayong taon sa kategoryang male under 50 ay ang kanyang ika- anim na titulo sa world championship sa taekwondo. Naging mahirap ang kanyang pagsungkit sa titulo dahil sa pagsali ng mga bigating manlalaro mula sa Japan, Singapore, USA, Vietnam at iba pa.
“Dumaan po ako sa mahigit dalawang buwang ensayo, walong (8) oras kada araw. Napakahirap ng kompetisyong ito dahil ito ang pinakamataas na level ng kompetisyon at nilalahukan lamang ng mga mahuhusay na player sa kanya-kanyang bansa.
Sa unang araw pa lamang ng aking paghahanda ay hindi sumagi sa kaisipan ko na hindi makuha ang ginto. Sabi ko sa sarili ko kung mapaghandaan ko ng mabuti sa ensayo ang competition ay pipitasin ko ng madali ang gintong medalya po, dahil nasa tamang pag-eensayo ang ikapapanalo sa laro,” kwento ni Guzman sa TFC News.
Bago pa humataw si Guzman sa face-to-face competition sa Goyang para sa2022 World Poomsae Taekwondo Championships, lumahok muna siya sa 2022 World Online Poomsae competition kung saan nasungkit niya ang silver medal.
“Mahalaga din ang panalo sa online dahil dito ay makikita mo ang lakas at kahinaan mo sa poomsae na puwede mong ayusin pagkatapos ng competition mo…
Ito ang nagsilbing daan kung bakit napanalunan ko ang ginto sa world championships dahil sa online poomsae ay nakita ko sa video ang mga strong point and weak point ng mga nakalaro ko at doon ay nag-adjust ako at inensayo ko yung mga dapat kong ensayuhin para sa paghahanda sa world championship sa Goyang.