ni Rose Novenario
DALAWANG araw bago ang halalan, tila nabura sa memorya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga batas na kanyang nilagdaan hinggil sa binawing nakaw na yaman ng mga Marcos.
Sa panayam sa kanya sa SMNI ni Pastor Apollo Quiboloy, wanted sa iba’t ibang kaso sa Amerika gaya ng child sex trafficking, sinabi ni Duterte, simple lang ang pamumuhay ng anak ng diktador at presidential bet Ferdinand Marcos, Jr., at hindi umano napatunayan na may nakaw na yaman ang kanilang pamilya.
Inulan ng batikos ang pahayag ni Duterte dahil taliwas ito sa katotohanan lalo na’t siya mismo ang lumagda sa dalawang batas kaugnay sa nabawing nakaw na yaman ng mga Marcos.
Sinabi ni dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) commissioner Ruben Carranza, pinirmahan ni Duterte ang pagpapalawig sa Republic Act 10368 o Marcos victims reparations law na pinondohan ng nabawing $680-milyong Marcos ill-gotten wealth sa Swiss banks.
Nilagdaan, aniya, ni Duterte ang Coconut Industry Trust Fund Act o Republic Act 11524 na pinondohan ng coco levy na nabawi mula kay Marcos at crony niyang si Eduardo “Danding” Cojuangco.
Inulan ng batikos ng netizens ang papuri ni Duterte kay Marcos, Jr., kabaliktaran ng pagtawag niyang weak leader at spoiled brat kay Marcos, Jr., noong Nobyembre.
Nagpasaring din siya na isang presidential bet mula sa kilalang angkan, nakasakay sa pangalan ng ama, ay gumagamit ng cocaine.
Batay sa record ng PCGG, nabawi ng pamahalaan ang mahigit P170 bilyon sa tinatayang $10 bilyong ill-gotten wealth ng mga Marcos.
Noong 2003, 2012 at 2017, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na si Ferdinand Marcos at kanyang pamilya ay guilty sa large-scale fraud.
Habang noong 15 Hulyo 2003, nagpasya ang Korte Suprema na ang Marcos Swiss bank account deposits na umabot sa mahigit US$658 milyon hanggang noong 31 Enero 2002 ay dapat mapunta sa Philippine government.
Napatunayan ng Philippine government na ang kabuuang deposito sa mga banko ay hindi tugma sa naging suweldo ng mga Marcos bilang opisyal ng gobyerno.
May court ruling rin noong 25 Abril 2012 na inutusan ang pamilya Marcos na magbayad ng US$ 3 milyon estate tax.
Habang noong 18 Enero 2017 ay kinatigan ng Supreme Court ang desisyon ng Sandiganbayan na nagbigay kapangyarihan sa estado na kompiskahin ang mga narekober na mga alahas sa mga Marcos na tinaguriang “Malacañang Collections.”