NAKASAMA ang pangalan ni Japan B.League superstar Kiefer Ravena sa Gilas Pilipinas men’s national basketball team na magdedepensa ng gintong medalya sa paparating na Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Sa kasalukuyan ay nasa Japan pa rin si Ravena na may dalawa pang natitirang laro para sa kanyang team na Shiga Lakerstars sa linggong ito. Inaasahan na susunod na lang siya sa Hanoi para makasama ang buong team.
Makakasama ng 5-time gold medal na si Ravena ang sina Roger Pogoy at six-time PBA Most Valuable Player, June Mar Fajardo. Kasama rin sa Gilas sina Isaac Go, Mo Tautuaa, Troy Rosario, Lebron Lopez, Matthew Wright, Will Navarro, Kib Montalbo, Kevin Alas at ang nakababatang kapatid ni Kiefer na si Thirdy Ravena.
Hindi naman makakasama sa team si Dwight Ramos na maglalaro pa rin sa kanyang team sa Japan na Toyama Grouses. Wala rin sa listahan si Roberto Bolick na kasalukuyang nasa US dahil sa personal na kadahilanan.