NAGHIMAS ng rehas ang limang indibidwal sa lungsod ng Pasig na nahuling sumuway sa unang araw ng liquor ban nitong Linggo, 8 Mayo, kaugnay sa halalan ngayong araw, 9 Mayo.
Sa ulat ni P/Col. Roman Arugay, hepe ng pulisya, kinilala ang mga suspek na sina sina Alfred Banaag, 30 anyos; Jimmy Biticon, Jr.; Jason Mathew Esquerra; Romeo Soriano, 24 anyos; at Honey Capistrano, 33 anyos, pawang mga residente sa lungsod.
Ayon kay P/Lt. Marie Per Bala, dakong 1:30 am kahapon nang maaktohan ang lima na nag-iinuman sa Multi-Purpose Hall sa Blk. 4 West Bank Rd., Floodway, Brgy. Maybunga.
Nabatid na nagsasagawa ng mobile patrol ang mga awtoridad kaugnay sa nalalapit na eleksiyon nang lapitan ng ilang concerned citizens at ireklamo ang nakabubulahaw na inuman ng limang suspek.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang bote ng gin at dalawang plastik na baso.
Sinampahan ang limang arestadong suspek ng kasong paglabag sa liquor ban kaugnay sa Omnibus Election Code.