SUBIC, Zambales – Dumaranas ngayon ng trauma at labis na pagkatakot ang tatlong paslit makaraang pagsisigawan sa kanilang harapan ang kanilang ama ni Zambales Vice-Governor Jay Khonghun at pinagbantaang ipakukulong, kamakailan.
Bunsod nito, at sa takot para sa sariling kaligtasan, nagsampa ang ama ng kasong paglabag sa Section 359 ng Revised Penal Code at Section 10(a) ng Republic Act 7610, may kinalaman sa paninirang puri (slander), at iba pang uri ng pang-aabuso, kalupitan at iba pang karahasan laban sa bata, ayon sa pagkakasunod.
Sa sinumpaang reklamong salaysay, ni Francisco Mas, Jr., ng Barangay Aningway-Sacatihan, Subic, Zambales, inireklamo niya si Zambales Vice Governor Khonghun, kumakandidato bilang congressman sa unang distrito ng lalawigan.
Batay sa salaysay, noong umaga ng 25 Abril 2022, nagmamadaling umalis ng bahay si Mas sakay ng kanyang motorsiklo upang pumasok sa kanyang trabaho sa munisipyo ng Subic bilang maintenance personnel. Agad siyang nagtungo sa Subic Gym.
Napag-alaman niyang nasa naturang gym si Vice Gov. Khonghun at kapulong ang buong partido ng Khonghun Team.
Nang matapos ang pulong ay lumabas ng gym ang opisyal at napansin umano nito ang isang political sticker na nakadikit sa kanyang motorsiklo.
Iyon din umano ang unang pagkakataon na nakita ni Mas ang sticker.
Ipinatawag ni Khonghun si Mas at nang makalapit ay agad umanong dinuro ng opisyal at may panggigigil na pinagsisigawan ng “Ipakukulong kita! Namumulitika kayong mag-asawa. Sumasama kayo sa pa-meeting ni Maningding (tumatakbong mayor sa Subic).”
Sa pagpapatuloy ng ngitngit at pagsisigaw ng opisyal, tinangka umano ni Mas na ipaliwanag na walang katotohanan ang kanyang mga paratang, kasabay ang paghingi ng tawad.
Binanggit din niya ang tungkol sa kanyang maliliit na anak.
Ngunit tanging malakas na, “Wala akong pakialam sa mga anak mo!” ang isinagot ni Khonghun saka umalis. At noon lamang umano napansin ni Mas ang mga umiiyak na anak at bakas ang takot sa mga mukha nito.
Sinabi ni Mas, mula nang maganap ang insidente, hindi na umano siya nakapasok sa trabaho dahil sa banta na ipakukulong ni vice governor Khonghun.
Samantala, ang mga anak naman ay labis pa rin ang takot at ayaw nang lumabas ng bahay, hindi makatulog at hindi makakain nang maayos.
Wala pang pahayag ang tanggapan no Khonghun hinggil sa reklamong inihain laban sa kanya. (HNT)