MARAMING mga tagasuporta si presidential candidate Vice President Leni Robredo na aminadong kabado sa darating na halalan sa 9 May 2022, pero ang kanilang manok, chill lang.
Hindi kinakitaan ng kaba si Robredo sa huling linggo ng kampanya, at kahapon sa Sorsogon City,
Ang payo niya sa mga tagasuporta at volunteers: “Magtiwala lang.”
“Magtiwala lang, kasi hindi lang naman ako [ang] nagsipag, sila rin. Hindi lang naman ang ‘yung ginawa ‘yung lahat, pero sila rin. ‘Yung lesson naman natin sa buhay, basta lalaban tayo to the best of our ability pero sa tamang paraan,” sabi ni Robredo sa isang panayam sa media.
“Gagawin natin ang lahat, leaving no stones unturned. Hindi natin gagawin ‘yung masasamang ginagawa ng iba. ‘Yun naman ‘yung pinakamahalaga. Diyos na ‘yung bahala pagkatapos,” dagdag niya.
Kahit binugbog ng napakaraming ‘fake news’ si Robredo ng mga katunggali ay lumaban siya
nang patas.
Sa buong kampanya ay hinimok niya ang mga tagasuporta na tulungan siyang itama ang mga ‘fake news’ para hindi na mabiktima ng kasinungalingan ang mga tao.
Pinasaringan din niya ang anak ng diktador na si Ferdinand Marcos, Jr., na pilit sinasabing nandaya siya sa eleksiyon noong 2016 kahit sinabi ng mismong Korte Suprema na walang dayaang naganap.
“Nakalulungkot na ngayon kasi, ‘yung pag-spread ng kasinungalingan, ganoon pa rin. Halimbawa na lang, ‘yung election protest na brinand ako na nandaya. Ilang beses ko na siyang natalo sa Supreme Court, unanimous ang desisyon: 15-0. Ang narrative niya, dinaya pa rin siya,” ayon kay Robredo.
“Talagang ang sinungaling sa umpisa, sinungaling hanggang sa kahuli-hulihan. Kawawa ‘yung mga Filipino na napapaniwala niya,” dagdag ni Robredo.
Kahapon ay naghanda ang mga kapwa Bicolano ni Robredo ng tatlong grand rallies: sa Sorsogon, sa Albay, at sa kanyang home province na Naga City, Camarines Sur.
Tulad ng inaasahan, libo-libong katao ang dumalo sa mga people’s rallies na nabanggit.
Halos kalahating milyon ang inaasahang dadalo sa Miting de Avance ni Robredo sa Ayala Avenue sa Makati City ngayong araw na ito, Sabado, May 7. (HATAW News Team)