UMABOT sa 600 counts ang naihaing formal complaints ng vote buying laban sa tumatakbong kongresista na si Rose Lin.
Lahat ito ay may kaukulang subpoena mula sa Commission on Elections (Comelec) at mula sa Office of the City Prosecutor ng Quezon City.
Kasama ni Lin na nahaharap sa mga kasong ito ang mga sinabing kasabwat niya sa malawakang pamimili ng boto sa District 5, Quezon City. Nakatakda ngayong araw, Biyernes, 6 Mayo 2022, ang deadline para makapagsumite si Lin ng kanyang sagot sa patong-patong na reklamo sa harap ng Comelec.
Patungkol ito sa kanyang disqualification case na inihain ng lider ng persons with disability (PWD) sa buong Quezon City na si Timoteo Salaguste.
“Nakasusuklam ang ginagawa nilang pamimili ng boto. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang kanilang krimen ng vote buying. Umabot na sa puntong naidikit na sa pangalan ni Rose Lin ang 500 pesos!”sabi ni Salaguste.
Kahapon, inilabas na rin ang nilagdaang subpoena ni Assistant Prosecutor Jerome Christopher Feria, na nagbigay sa kampo ni Lin hanggang 17 Mayo 2022 upang sumagot sa mga alegasyon ng pamimili ng boto.
Sa kasalukuyan, nagsusuma-total na ang kaso sa paglabag sa Omnibus Election Code (Section 261) ni Lin sa 600 counts ng vote buying, conspiracy to bribe voters, at ‘di pagsunod sa Election Code.
Nangako si Comelec Commissioner George Garcia ng kanilang mabilis na pag-aksiyon kapag natukoy na mayroong probable cause. Iginiit ni Garcia may kaparusahan itong isa hanggang anim na taong pagkakabilanggo kapag napatunayang naganap ang krimen ng vote buying.
Patuloy na itinatanggi ni Lin ang mga akusasyon laban sa kanya at itinuro sa mga kalaban ang bintang sa kabila ng kaliwa’t kanang formal complaints.
Hinamon ng kampo ng mga Vargas si Lin na huwag magturo at sagutin sa korte ang kanyang mga kaso.
Sabi ni Rhodora Salazar, chief of staff ni Congressman Alfred Vargas, “Ang mainam, dalhin nila ito sa Comelec at patunayan ang mga paratang. Kitang-kita naman ang lahat ng isyu na ipinupukol nila sa amin ay pawang likha ng kanilang madilim na imahinasyon dahil sa laylay nilang kampanya. Alam po ng mga tao sa buong Quezon City kung sino ang tunay na vote buying queen!”
Bukod sa mga kaso sa COMELEC, iniimbestigahan din ng BIR si Lin kaugnay ng Pharmally scam at tax evasion; ng Ombudsman at AMLC para sa mga kasong Plunder at Money Laundering. (HNT)