HABANG papalapit ang eleksiyon, iba’t ibang grupong pangrehiliyon ang nagdeklara ng suporta kay Vice President Leni Robredo at running mate nito na si Senador Francis “Kiko” Pangilinan.
Nasa 1,400 Katolikong obispo, pari at diyakono, kabilang sa grupong “Clergy for Moral Choice” ang nag-endoso sa kandidatura nina Robredo at Pangilinan bilang pangulo at pangalawang pangulo.
Inendoso rin ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP), isa sa pinakamalaking protestanteng grupo sa bansa, ang tambalan nina Robredo at Pangilinan.
Ayon sa grupong “Clergy for Moral Choice,” inendorso nila ang Leni-Kiko tandem dahil sila’y itinuturing na “servant leaders” na nagpakita ng puso para sa iba’t ibang sektor at walang bahid ng anomalya.
“Sa kanilang buhay, pribado man o panlipunan, ay taglay nila ang mga katangian ng tunay na pastol na handang mag-alay ng kanilang buhay para sa kawan, at hindi kailanman tatakbo, iiwas o magtatago sa mga hamong kaakibat ng kanilang paglilingkod sa bayan,” wika ng grupo sa isang pahayag.
Iginiit ng grupo, sa panahon ngayon, kailangan nang lumahok ng simbahan sa halalan para labanan ang panig ng mga huwad.
Idinagdag nito, hindi nila gagamitin ang Banal na Misa para mag-endoso kundi sila’y magbabahay-bahay at magiging aktibo sa social media para ikampanya ang Leni-Kiko tandem.
Para sa UCCP, nagpasya silang iendoso ang Leni-Kiko tandem matapos ang masusing pag-aaral at pagdarasal sa mga kalipikasyon ng mga tumatakbong pangulo at bise presidnte.
Ayon sa kanila, pinili nila ng tambalang Robredo at Pangilinan dahil taglay nila ang mga katangiang makikita sa Salita ng Diyos.
“As a collegial body of the Church, the Council of Bishops considers Leni Robredo-Kiko Pangilinan tandem as the best option for the Filipino people,” dagdag ng UCCP.
Ang UCCP ay may mahigit 500,000 miyembro mula sa 2,850 lokal na simbahan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. (HNT)