NADESMAYA man sa pinakahuling Pulse Asia survey na pumangalawa si Vice President Leni Robredo sa anak ng diktador na si Ferdinand Marcos, Jr., bumawi ang mga tagasuporta ni Robredo sa pamamagitan ng pag-anunsiyo na siya ang kanilang pinipiling pangulo sa darating na halalan sa Lunes, 9 Mayo 2022.
Sa Cebu, 200 pari, madre, at mga nagsisilbi sa Simbahang Katoliko ang nag-endoso kay Robredo at sa kanyang running mate na si Senador Francis “Kiko” Pangilinan.
Dumalo si Dr. Tricia Robredo, anak ng Bise Presidente, sa okasyon at pormal na ibinigay sa kanya ng grupo ang kanilang pahayag.
Naglabas ng pahayag ang Protestant Church na suportado nila ang Leni-Kiko tandem.
Ayon sa Council of Bishops of the United Church of the Christ in the Philippines (UCCP), sina Robredo at Pangilinan ang pinakamahusay na dapat piliin para sa taongbayan.
Ang mga taga-ABS-CBN na nawalan ng trabaho dahil sa pagkawala ng prankisa ng network ay nagpahayag din ng kanilang suporta.
Anila, sina Robredo at Pangilinan ay matapang na tumindig para huwag mawala ang prankisa.
“Mga Kapamilya, ito na ang pagkakataon para marinig ang boses natin. Ang laban na ito ay hindi laban para sa prankisa. Ang laban na ito ay para sa mga nawalan. Ang laban na ito ay para sa bayan. Kapamilya man, kapuso, o kapatid, ipapanalo natin sa laban na ito,” ayon sa kanilang pahayag.
Pinirmahan ito ng ilang daang mga dating taga- ABS-CBN.
Ilang mga katutubo o indigenous peoples at mga Moro representatives ang nagpahayag ng kanilang suporta para kay Robredo. Sa isang press conference sa Quezon City kahapon, 5 Mayo, nagsagawa sila ng isang ritwal kung saan pinakita na sina Robredo at Pangilinan ang mananalo sa halalan.
Isang grupo ng halos 500 board exam topnotchers ang nagpahayag na suportado nila si Robredo. Sabi nila, pinipili nila si Robredo dahil sa kanyang tibay ng loob at pagsusumikap para magawa ang nararapat at magtagumpay para sa lahat.
Kahit sa Mindanao, sunod-sunod ang deklarasyon ng suporta para kay Robredo.
Iniwan ng Hukbong Federal sa Misamis Oriental, Rebolusyonaryong Alyansa Makabayan, at Guardian Brotherhood District 1 sa Region 10 sina Ferdinand Marcos, Jr., at Sara Duterte, para suportahan si Robredo at Pangilinan.
Anila, nabasa at napag-aralan nila ang plataporma ni Robredo kaya tiwala sila na tunay na maglilingkod sa bayan si Robredo, at pangangalagaan ang kapakanan ng bawat Filipino.
Nagpahayag ng suporta kay Robredo ang mga artista tulad ng mag-asawang Dennis Trillo at Jennylyn Mercado at Shaina Magdayao. Nagpost din sa kanyang social media account si Anne Curtis, kung saan sinabi niyang nakatutuwa na kahit saan siya magpunta ay marami siyang nakikilalang maka-Leni Robredo.
Ngayon, 6 Mayo, sa Sorsogon, Albay, at Naga City mangangampanya si Robredo at magkakaroon siya ng miting de avance kasama ang mga kapwa Bicolano.
Sa 7 Mayo, Sabado, ang kanyang miting de avance sa NCR na gaganapin sa Makati City. Inaasahang higit sa kalahating milyon ang magpapakita ng kanilang suporta para kay Robredo sa grand people’s rally na ito. (HATAW News Team)