ISANG linggo bago ang halalan, angat pa rin si Vice President Leni Robredo sa Google Trends pagdating sa mga kandidato bilang pangulo, ayon sa data expert na si Mahar Lagmay.
Sa isang tweet, sinabi ni Lagmay, mula 25 Abril hanggang 2 Mayo, nakakuha si Robredo ng 55 porsiyento kompara sa 24 ni Ferdinand Marcos, Jr.
Batay sa link na kasama ng tweet ni Lagmay, makikita sa parehong panahon, lamang si Robredo kay Marcos sa lahat ng rehiyon sa bansa, kahit sa Ilocos Region at Cordillera Administrative Region na balwarte ng huli.
Sa Ilocos Region, una si Robredo, may 63 porsiyento kompara sa 37 ni Marcos. Sa CAR naman, may 64 porsiyento si Robredo habang si Marcos ay 31 porsiyento. Sa Cagayan Valley, lamang si Robredo na may 64 porsiyento kompara sa 36 ni Marcos.
Angat si Robredo sa Metro Manila at Calabarzon (72-28), Bicol (75-25), Central Luzon (67-33), MIMAROPA (68-32), Central Visayas at Eastern Visayas (67-33), Western Visayas (69-31), Northern Mindanao (60-40), Caraga (61-39), Zamboanga Peninsula (64-36), Region XII (63-37), Davao Region (61-39) at ARMM (57-43).
Kung ihahambing sa mga survey, itinuturing ang Google Trends na mas tumpak na sukatan pagdating sa prediksiyon ng mga mananalo sa halalan.
Matagumpay na natukoy ng Google Trends ang mga nanalo sa mga nakalipas na halalan sa Estados Unidos mula noong 2004.
Nahulaan din ng Google Trends ang mga nanalo sa mga nakalipas na eleksiyon sa Brazil, Pakistan, Malaysia at France.