INAALAM ng mga awtoridad ang pangalan ng dalawang suspek na napatay sa enkuwentro nang tangkaing tumakas sa isinasagawang Oplan Sita sa bayan ng Angono, lalawigan ng Rizal, nitong Miyerkoles ng madaling araw, 6 Abril.
Ayon kay Angono PNP Chief of Police, P/Lt. Col. Ferdinand Ancheta, dakong 1:00 am kahapon nang takasan ng dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo ang nakalatag na checkpoint sa Brgy. Mahabang Parang, sa nabanggit na bayan.
Nagkaroon ng habulan ang mga awtoridad at mga suspek hanggang makarating sa bahagi ng Quarry Road, sa bayan ng Binangonan.
Dito sumemplang ang sinasakyang motorsiklo ng mga suspek at agad pinaputukan ang mga pulis ngunit sa bulletproof vest tinamaan.
Binaril din ng mga suspek ang mobile car na tinamaan sa kanang bahagi.
Dito nagkaroon palitan ng mga putok ng baril sa pagitan ng mga suspek at ng mga alagad ng batas naging sanhi ng kamatayan ng dalawa nang tamaan sila ng bala.
Nauna rito, nagkaroon ng nakawan ng motorsiklo sa isang subdivision kaya naglatag ng checkpoint na Oplan Sita ngunit tinangkang tumakas ng mga suspek nang parahin ng mga nagmamandong pulis dahil walang plaka ang gamit nilang motorsiklo.
Tinutukoy pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kung anong grupo ang kanilang kinaaniban habang hawak ng pulisya ang hindi binanggit na kalibre ng baril na nakuha sa dalawa. (EDWIN MORENO)