SA IKALAWANG pagkakataon sa loob ng halos dalawang linggo, isa pang grupo ang inilaglag ang orihinal nilang kandidato bilang pangulo at lumipat sa kampo ni Vice President Leni Robredo.
Nagpasya ang Ikaw Muna (IM) Pilipinas Visayas, na itinatag para suportahan ang kandidatura ni Francisco “Isko Moreno” Domagoso, na lumipat kay Robredo matapos pag-aralan ang kanilang mga opsiyon.
Sa isang press conference, sinabi ni Nick Malazarte, coordinator ng IM Pilipinas Visayas, ang mababang survey rating ni Domagoso ang pangunahing dahilan ng kanilang paglipat kay Robredo.
Sinabi i Malazarte, hindi nila maaaring suportahan ang kandidatura ni Ferdinand Marcos, Jr., dahil 90 porsiyento ng kanilang mga miyembro ay dating mga aktibista.
Inaasahan niyang susunod ang pambansang organisasyon ng IM Pilipinas at susuporta na rin kay Robredo.
Bago inihayag ang kanilang desisyon, sinabi ni Malazarte, nakipagpulong ang IM Pilipinas Visayas sa iba’t ibang pro-Robredo organizations sa Cebu.
“No concrete plans yet on merging with existing campaigns or if we would mount a separate one,” wika niya.
Noong 24 Marso, inihayag ng Partido Reporma na susuportahan nila si Robredo matapos ilaglag si Senador Panfilo Lacson.