MAY papel ang bawat Filipino sa pagsugpo sa agricultural smuggling sa pamamagitan ng ‘citizen’s arrests’ na maaaring ipatupad para mahuli ang mga nagbebenta ng smuggled na gulay at ibang produktong pang-agrikultura, ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson.
Inirekomenda ni Lacson ang magsagawa ng demand-reduction approach laban sa agricultural smuggling na hindi pa rin mapigilan ng Bureau of Customs (BoC) at Department of Agriculture (DA) hanggang ngayon.
“Kung obvious na smuggled, huwag na tayo magturuan kasi may citizen’s arrest. Puwedeng kompiskahin ng maski sino, humingi ng assistance from law enforcement to do so,” ani Lacson sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole sa isyu.
“Even as a plain citizen you can conduct arrests and call for the assistance of the authorities, ang puwedeng mag-file ng kaso, etc.,” dagdag ng senador.
Aniya, ipinatupad niya ang ganitong paraan sa kanyang pagsugpo sa ilegal na droga at carnapping nang kanyang pinamunuan ang Philippine National Police (PNP) mula 1999 hanggang 2001.
Kasama dapat aniya sa estratehiyang ito ang supply reduction, na dapat kinokompiska ng awtoridad ang smuggled na gulay bago makarating sa merkado.
“Kung two-pronged strategy ia-apply natin palagay ko hindi mag-proliferate ang smuggled vegetables,” paliwanag ng senador.
Hinamon ni Lacson ang DA at BoC na humanap ng paraan para masugpo ang agricultural smuggling na nagpapatuloy pa rin sa kabila ng mahigpit na rekisitos para sa importers.
Napag-alaman ng senador, ang mga nasasama sa blacklist na importers ay pinapalitan lamang ang kanilang pangalan at nabibigyan pa rin ng accreditation.
“Ang hirap kunin ang requirements pero ang dali sa smugglers na lumusot,” saad ni Lacson.
Dahil aniya sa smuggling, kawawa ang mga lokal nating magsasaka dahil karamihan sa kanilang mga benta ay ipinapahingi na lamang.
“From BoC and DA, kindly convince us na walang milagrong nangyayari bakit may smuggled vegetables, meat and meat products. Kindly explain. Decades na, wala pa tayong solution. In the meantime, our vegetable planters and hog raisers nagsa-suffer for decades and we allow that,” dagdag ng senador.
Siniguro ni Lacson na hindi siya hihinto sa pagsisiyasat sa isyung ito hanggang hindi nakapagbibigay ng sapat na paliwanag ang BoC at DA.
“‘Pag walang nangyayari, may kompromiso. Simple as that. So kindly look into that,” ani Lacson. (NIÑO ACLAN)