ARESTADO ang apat na hinihinalang tulak nang makompiskahan ng tuyong ng marijuana, nagkakahalaga ng higit P22 milyon sa operasyong ikinasa ng magkasanib na puwersa ng Pasig PNP at PNP-Drug Enforcement Group sa lungsod ng Pasig, nitong Lunes ng hapon, 14 Marso.
Kinilala ni P/BGen. Randy Peralta, PDEG Director, ang mga nadakip na suspek na sina Mivier Miranda, Jr., 35 anyos; Jeffrey Tavas, 37 anyos, kapwa residente sa Soldiers Village, Brgy. Sta Lucia; Abdel Badio, 26 anyos ng E. Ferrer Compound, Urbano Velasco Ave., pawang residente sa nabanggit na lungsod; at Dante Garbida, 29 anyos ng Everlasting St., Brgy. San Andres, Cainta, Rizal.
Dakong 6:15 pm kamakalawa nang ikasa ng magkasanib na puwersa ng PNP-DEG, Special Operation Unit at Pasig PNP ang operasyon sa East Bank Rd., Soldiers Village, Brgy. Sta Lucia, sa lungsod.
Nakompiska mula sa apat na suspek ang 15 kilo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P22,500,000, isang smartphone, buy bust money, mga ID, at marijuana tube.
Nauna rito, ikinasa ng magkasanib-puwersang pinamumunuan nina P/Lt. Col. Antonio Gutierrez, P/Lt. Genaro Cuanan lll ng PNP-DEG SOU, at P/Lt. Col. Eugene Orate ng Special Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasig PNP ang drugs operation laban sa mga suspek sa tahanan ni Miranda.
Kasalukuyan nang nakapiit ang mga suspek sa himpilan ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA9165 o Comprehensive Dangerous Drugs of 2002. (EDWIN MORENO)