NAKAHANDA ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa transport strike na itinakda ng grupo ng mga jeepney driver at operator ngayong araw 15 Marso.
Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes, magkakaroon ng contingency measures upang matiyak na ang commuting public ay hindi maaabala sa Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) transport strike.
Ayon Kay MMDA Chief, naglaan ang ahensiya ng mga bus at truck na nakalagay ang “Libreng Sakay” signage na ikinabit sa sasakyan upang madaling makilala ng publiko para sa libreng sakay sa mga commuter at ihatid sila sa EDSA Bus Carousel.
Handa na para sa deployment ang 20 sasakyan, kabilang ang 11 commuter vans, anim na bus, at tatlong truck ng militar.
Sinabi ng opisyal, babantayan ng Metrobase sa pamamagitan ng closed circuit television (CCTVs) camera ang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila na maaapektohan ng transport strike para sa mabilis na pagpapadala ng mga sasakyang “Libreng Sakay.”
Magde-deploy din ang MMDA ng mga traffic personnel at mga miyembro ng Road Emergency Group sa iba’t ibang bahagi ng National Capital Region para tulungan ang mga motorista at commuters na maaapektohan ng transport strike. (GINA GARCIA)