DINAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos ireklamo ng panggagahasa sa kaniyang sariling anak noong 2013 sa bayan ng Diadi, lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Kinilala ang suspek na si Armando Kimmayong, 58 anyos, residente sa Brgy. Ampakleng, sa nabanggit na bayan, at naaresto sa ikinasang manhunt operation sa Brgy. Progreso, Aglipay, Quirino sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Rogelio Corpuz ng Bayombong RTC Branch 29, sa Nueva Vizcaya.
Ayon sa pulisya, pinagsamantalahan ng suspek ang kainosentehan ng 4-anyos anak at ginahasa sa walong magkakahiwalay na pagkakataon noong taong 2013.
Walang inerekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Nueva Vizcaya PPO para sa naaangkop na disposisyon bago ilipat sa pinanggalingang korte.
Bahagi ang pag-aresto sa suspek ng kampanya ng PRO2 PNP na malutas ang mga kaso ng panggagahasa at iba pang mga kasong may kinalaman sa Violence Against Women and Children (VAWC) kaugnay sa obserbasyon ng Buwan ng Kababaihan.