ISANG anak ng politiko sa Caloocan City ang iniulat na apat na taon nang nakakulong dahil sa kaso ng pagtutulak ng droga.
Kinilala ang anak na isang Edgar A. Erice, Jr., apat na taon nang patuloy na nagtatangkang paboran ng hukuman ang mosyon na siya ay payagang magpiyansa.
Base sa mga ulat, anak ni District 2 congressman Edgar Erice sa isang Racquel Aranas si Egay, Jr., na nahuli noong 2018 sa isang buy bust operation sa Pasay City.
Kasamang nakalaboso ng anak ni Congressman Egay ang isang Rafael Alberto, may alyas na Biboy.
Ilang beses nagtangkang magpiyansa si Egay, Jr., sa loob ng apat na taon ngunit hindi ito pinapayagan ng korte dahil matibay ang ebidensiya laban sa kanya.
Kasalukuyang abogado ni Egay Jr., si Atty. Jose Isagani Gonzales, kapatid ng isa sa mga pinagkakatiwalaang empleyado ni congressman Erice na si Atty. Dick Gonzales.
Ang pagkakahuli kay Egay Jr., habang nagtutulak ng droga ay bahagi ng Oplan Tokhang ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang ang Oplan Tokhang ang isa sa mga pangunahing aksiyon ng administrasyong Duterte dahil sa pagsira ng droga sa pamilya, sa bayan, at lalo sa kinabukasan ng kabataan.
Ilang supporters ni Erice ang desmayado sa isyu lalo’t nagtatangka ang mambabatas na masungkit ang matagal nang pinapangarap na maging alkalde ng Caloocan City.
Tinangka ng HATAW na makuha ang panig ng mga Erice sa nasabing isyu ngunit hindi sila makontak. (HNT)