NAGLIYAB ang isang kotse nang bumangga sa isang street light sa kahabaan ng pangunahing highway na bahagi ng Brgy. Anquiray, bayan ng Amulung, lalawigan ng Cagayan, nagresulta sa kamatayan ng driver at tatlo niyang pasahero dakong 11:00 pm, nitong Sabado, 12 Marso.
Sa ulat ng Cagayan PPO nitong Linggo, 13 Marso, minamaneho ni Nicole Jarrod Molina, negosyante at residente ng Zone 2, Brgy. Centro, nang mawalan siya ng kontrol sa manibela kaya bumangga sa isang poste at puno ng Acacia saka nagliyab.
Kinilala ang tatlong pasahero ni Molina na sina Oliver Taganna, Jr., Benjie Pascual, at Michael India , pawang mga empleyado ng Bonito’s Café, at mga residente sa Brgy. Estefania, sa naturang bayan.
Pahayag ni P/CMaj. Llewilyn De Guzman, hepe ng Amulung MPS, nasunog ang apat sa loob ng sasakyan nang hindi na nakalabas.
Ayon sa pulisya, bago ang insidente ay nagkaroon ng komosyon sa Bonito’s Cafe matapos mapagsabihan ang management nito na isara na ang establisimiyento dahil bukas pa rin kahit lagpas na ang curfew.
Nagresponde ang Bureau of Fire Protection Amulung, Cagayan sa insidente na siyang narekober ng naabong katawan ng mga biktima.