WOW mali o sadyang minamali para malason ang inosenteng isipan ng karamihan sa mga botante.
Ito ang lumutang na anggulo sa naganap na pang-aaresto ng mga awtoridad sa lalawigan ng Cavite sa ilang miyembro ng grupong may direktang kaugnayan sa komunistang grupong New People’s Army (NPA) matapos ituwid ni Partido Reporma presidentiable Panfilo Lacson ang ilang detalye ng pangyayari.
Taliwas sa mga naglalabasang impormasyon na ang mga inarestong miyembro ng grupong Anakpawis ay basta lamang dinampot, itinuwid ni Lacson na ang sila ay hinuli sa drug buy-bust operation.
“Totoo merong mga naaresto pero drug operation doon sa Sitio Silangan, Silangan St., sa Talaba 7, doon sa Bacoor, Cavite ito. Ang nag-operate doon PDEA at anti-illegal drugs operation,” pagbubunyag ni Lacson.
Aniya, ibang-iba ang kuwentong naglalabasan kompara sa totoong detalye.
“Dinidikit, nagkataon siguro na merong nahilo doon na miyembro ng Anakpawis na sinasabi nila nag-attend daw sa rally. E ‘di sila na rin ang nagsabi na talagang merong mga front organization na nandoon sa rally,” ayon kay Lacson.
Inilinaw din ni Lacson na ang mga nauna niyang puna sa rally sa Cavite ay hindi sumasakop sa lahat ng dumalo.
“Alam mo, ‘yung mga nag-volunteer na mag-attend sa rally ni Mrs. Robredo, ni Vice President Robredo, fine. Kasi kung naniniwala sila, meron tayong freedom of choice e. Ang akin lang concern kung napasukan ito at halimbawang manalo at nandiyan na naman sila sa gobyerno, hindi na tayo makauusad,” dagdag ni Lacson.