MAHIGIT 100,000 katao ang dumalo sa iba’t ibang pagtitipon ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo sa Negros Occidental noong Biyernes, kabilang ang grand rally sa Paglaum Stadium sa Bacolod City na dinaluhan ng 70,000 supporters.
Ayon kay Negros Occidental provincial administrator Rayfrando Diaz, ang bilang ng tao sa loob ng Paglaum Stadium at sa paligid nito ay umabot ng 70,000.
Umabot naman sa 20,000 katao ang dumalo sa rally ni Robredo sa Sagay City, ayon kay Cadiz City Mayor Salvador Escalante.
Nagtungo rin ang Bise Presidente sa San Carlos City, Kabankalan City, La Carlota City, Binalbagan at Hinigaran, kung saan dumalo ang kabuuang 20,000 supporters.
Naitala sa pagtitipon sa Bacolod City ang pinakamaraming bilang ng supporters mula nang magsimula ang kampanya.
Bago rito, nagtungo rin si Robredo sa Cavite, Iloilo at Tandag kung saan nagtipon ang nasa 50,000, 40,000, at 20,000 supporters, ayon sa pagkakasunod.
Libo-libong tagasuporta rin ang nagtipon sa mga rally ni Robredo sa Mindoro at Romblon.
Kahit si Iloilo City Mayor Jerry Trenas ay isinuko na ang korona sa Bacolod City nang maitala nito ang pinakamalaking pagtitipon ng mga tagasuporta ni Robredo.
“Saludo ako sa taga-Negros kag taga-Bacolod. Ara sa inyo ang korona! (Nasa inyo na ang korona) 70K strong!” sabi ni Trenas sa Twitter.
Nangyari ang pinakamalaking pagtitipon sa Bacolod matapos manguna si Robredo sa Google Trends at Facebook Analytics.
Mula 5 Pebrero hanggang 2 Marso 2022, nanguna si Robredo sa Google Trends na may kabuuang score na 107 mula sa mga search na gamit ang keywords na “Leni” at Robredo” at mula sa positive engagements, na malayo ang agwat sa kanyang katunggali na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Tagumpay ang Google Trends sa pagdetermina sa resulta ng halalan sa United States, Greece, Spain, Germany at Brazil.
Nakakuha rin si Robredo ng limang puntos na kalamangan kay Marcos ngayong buwan pagdating sa Facebook engagement score, na sumusukat sa potensiyal na maging botante ng partikular na kandidato ang isang tao. Si Robredo ay mayroong walong milyong engagements kompara sa 7.5 milyon ng kanyang katunggali.
Tumatakbo si Robredo sa plataporma ng “Oplan Angat Agad,” na nakatuon sa trabaho, kalusugan at edukasyon.
Nais matiyak ni Robredo na hindi bababa sa isang miyembro ng pamilya ang tumatanggap ng buwanang suweldo habang ang mga nawalan ng trabaho ay bibigyan ng tatlong buwang pinansiyal na ayuda habang naghahanap ng hanapbuhay.
Pagdating sa kalusugan, magbibigay din si Robredo ng access sa libreng doktor sa bawat pamilya at gagawing abot-kaya ang pagpapagamot para sa lahat ng Filipino. Nais din ni Robredo na bigyan ng kalidad na edukasyon ang mga estudyante upang maabot nila ang pangarap na trabaho sa hinaharap.