IPINAGDIWANG ng Laguna Police Provincial Office (PPO) ang ika-171 anibersaryo ng kapanganakan ni Gen. Paciano Rizal kasama ang Laguna Tourism Culture Arts & Trade Office (LTCATO) at Sta. Cruz Local Government Unit (LGU) nitong Miyerkoles, 9 Marso, sa Camp Gen. Paciano Rizal, Brgy. Bagumbayan, sa bayan ng Sta. Cruz, lalawigan ng Laguna.
Sa programa, sinabi ni P/Col. Mainit, tinanggap ni P/Col. Rogarth Campo, Acting Provincial Director ng Laguna PPO ang mga dumalo sa naturang event.
Nagbigay ng kanilang mga mensahe sina Sta. Cruz Municipal Administrator Melvin Bonza, at LTCATO Consultant Pamela Jane Baun.
Inialay ang mga korona ng bulaklak ng Command Group ng Laguna PPO sa pangunguna ni P/Col. Campo, mga empleyado ng Sta. Cruz LGU, at LTCATO na sinundan ng gun salute at pagtugtog ng “Pilipinas kong Mahal.”
Idinaos ang seremonya ng wreath laying bilang pagpupugay kay Gen. Paciano Rizal, nakatatandang kapatid ni Dr. Jose Rizal at isang matapang na pinunong rebolusyonaryo na nagsilbing gabay ng isang magiting na bayani.
Ang Kampo Heneral Paciano Rizal sa Brgy. Bagumbayan, Sta. Cruz, kung saan nakatayo ang Laguna PPO ay ipinangalan kay Rizal sa kanyang karangalan matapos pasinayanan ang kanyang monumento noong 17 Hunyo 2011.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni P/Col. Campo, “Nararapat bigyan natin ng halaga ang ating bayan bilang pagtanaw sa kanyang sakripisyo at pakikibaka na nagbunga sa kalayaan na ating tinatamasa ngayon. Ang bayani na nagbigay karangalan sa ating lalawigan at nakipaglaban hindi lamang para sa ating lugar kundi para sa ating bansa.” (BOY PALATINO)