NATAGPUAN ang dalawang bangkay ng Ayungon Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) nitong Lunes, 7 Marso, matapos umapaw ang baha sa Brgy. Tibyawan, sa bayan ng Ayungon, lalawigan ng Negros Oriental, sanhi ng ulang dala ng low pressure area (LPA).
Nakaranas ng malakas na pag-ulan sa nabanggit na lalawigan nitong Linggo, 6 Marso, kung saan lumaki ang tubig sa mangrove area sa dalampasigan.
Unang natagpuan kamakalawa ang katawan ni Michelle Pervante, 32 anyos, residente sa naturang lugar.
Ayon sa pulisya, may mga saksi na nakapagsabing naghahanap ng shellfish ang biktima kasama ang asawa at pamangkin.
Gayondin, natagpuang wala nang buhay ang kaniyang asawang si Benmar Pervante, 32 anyos.
Samantala, patuloy na pinaghahanap ang katawan ng 22-anyos na si Rudjie Barso.
Inaalam ng mga awtoridad kung bakit hindi agad nakalikas ang mag-asawa at pamangkin matapos ang bugso ng malakas ng ulan.
Ayon sa PAGASA, ang ulan ay dala ng LPA na namataan ngayong araw sa Hinatuan, Surigao Del Sur.