SA ULAT ni Laguna PPO Director, P/Col. Rogarth Campo, nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng pulisya laban sa ilegal na sugal na nagresulta sa pagkakadakip sa 48 kataong naaktohan sa tupadahan nitong Sabado, 26 Pebrero, sa lalawigan ng Laguna.
Ayon sa isang impormante sa Laguna PPO, mayroong nangyayaring tupada sa Purok 1, Sitio Kabaritan, Brgy. Sto. Domingo, sa bayan ng Bay.
Agad nagkasa ng operasyon ang mga operatiba ng Provincial Special Operation Unit sa pamumuno ni P/Maj. Jose Tucio kasama ang Bay MPS na nagresulta sa pagkaaresto ng 44 indibiduwal na naaktohang nagsusugal sa tupada.
Samantala, nasukol ng Sta. Rosa CPS sa pamumuno ni P/Lt. Col. Paulito Sabulao, ang apat na suspek na naaktohan sa isang bakanteng lote sa Progressive Subd., Brgy. Tagapo, lungsod ng sta. Rosa.
Sa kabuuan, aabot sa 48 suspek ang naaresto sa isinagawang isang araw na anti-illegal gambling operation ng Laguna PNP.
Nakompiska mula sa mga naaresto ang apat na buhay na panabong na manok, walong patay na manok, apat na tari, at P38,970 kabuuang halaga ng nakompiskang pera.
Binasahan ng kanilang mga karapatan at kasalukuyang nasa piitan ng estasyon ng pulisya ang mga suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa PD 1602 sa prosecutor’s office. (BOY PALATINO)