NAGLABAS ng Warrant of Arrest si Judge Anthony B. Fama ng RTC Branch 277 ng Mandaluyong City laban kay Mayor Bernardo “Totie” Paredes ng Cavite City kaugnay sa kasong Child Abuse.
Nailabas ng korte ang warrant of arrest noong 24 Pebrero 2022.
Ayon sa abogado ng biktima, masaya ang magulang ng bata dahil bahagya nang umusad ang katarungan pabor sa isang menor de edad na minolestiya at ginahasa umano ng isang alkalde sa lalawigan ng Cavite.
“Sa kabila ng pananakot at mga bantang pagpatay sa aming pamilya ay naninindigan pa rin kami sa kasong ito dahil naniniwala pa rin kami sa hustisya na may katarungan pa rin na naghihintay sa mahihirap na kagaya namin,” anang ina ng biktima.
Maluha-luha sa katuwaan na tinanggap ng biktimang itinago sa pangalang Lovie ang balitang lumabas na umano ang warrant of arrest laban kay Cavite City Mayor Bernardo “Totie” Paredes para sa mga kasong child abuse, child exploitation, at discrimination act na may kaugnayan sa Republic Act 7610.
Ayon sa mandamyento de aresto na ipinalabas ng sala ni Judge Anthony B. Fama ng Branch 277 ng Mandaluyong City, ipinaaarresto sa lahat ng sangay ng awtoridad ang nabanggit na mayor na may kaukulang piyansang P.2-milyon.
Matatandaan, nag-ugat ang pagpapaaresto kay Paredes sa reklamong isinampa ng biktima sa ginawa nitong paulit-ulit na panggagahasa sa kanya sa kabila ng pakiusap at pagmamakaawa.
Ayon sa sinumpaang salaysay ng biktima, walong beses umano syang pinagsamantalahan ng mayor dahil sa pananakot na kung hindi siya papayag ay muling ipakukulong ang kanyang ina.
At nang hindi niya matagalan ang pang-aabuso ni Mayor Paredes ay pilit niya itong iniwasan at tinataguan, ngunit pinagbabantaan umano siyang papatayin ang kanyang mga magulang.
Samantala, umaasa ang mga tagasuporta ng biktima na kinabibilangan ng Gabriela at samahan ng overseas Filipino workers (OFW) na lalabas pa ang isa pang warrant of arrest kaugnay n`g kasong rape na walang kaukulang piyansa. (HNT)