SA PAGDIRIWANG ng ika-36 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution noong 1986, narito ang pahayag ng dating Kongresista at ngayon ay tumatakbong Senador na si Monsour Del Rosario:
“Halos mag-aapat na dekada na nang huli nating ipamalas sa mundo na kaya nating pataubin ang sinumang tatapak sa ating dignidad at kalayaan. Bata pa ako noong 1986, pero tumatak sa isip ko na ang pagiging Filipino ay isang bagay na dapat natin ipagmalaki. Dinala ko ‘yan sa sports noong ako’y lumaban sa international competitions para sa Taekwondo kung saan iwinagayway namin ang bandila ng bansa hanggang sa Olympics. Dinala ko rin ito noong ako’y magsimulang manungkulan bilang Konsehal at Kongresista sa aking siyudad na Makati.
“Lalo sa panahong ito, huwag natin kalilimutan na ang diwa ng EDSA ay hindi lamang makikita sa pagpoprotesta sa kalsada. Ito ay maaari nating ipamalas sa ating mga tahanan, sa ating trabaho, sa ating komunidad – ang pagtindig nang taas noo at ‘di pagpapadaig sa harap ng katiwalian, korupsiyon, at kawalan ng katarungan sa lipunan. Ganyan ang People Power.
“Maraming mga dagok sa demokrasya saan man sa mundo ngayon bunga ng mga tiwaling opisyal, ng pandemya, ng gera, ngunit alam ng Filipino, nasa pagkakaisa ng bawat mamamayan ang susi upang malampasan ang lahat ng iyan!
“Nawa’y taimtim nating gunitain ang ika-36 anibersaryo ng EDSA PEOPLE POWER! Mabuhay ang Filipinas!”
Si Monsour del Rosario ay nagsilbi bilang city councilor sa 1st District ng Makati mula 2010 hanggang 2016, at kalaunan bilang congressman sa 17th Congress of the Philippines na kumakatawan sa parehong distrito mula 2016 hanggang 2019.
Ipinanganak sa Maynila at lumaki sa Bacolod, nakilala siya sa mundo ng martial arts bilang miyembro ng Philippine National Taekwondo Team mula 1982 hanggang 1989, hinirang bilang eight-time National Lightweight champion, at sumabak din sa 1988 Seoul Olympics.
Sa kanyang pagtakbo bilang Senador, isinusulong ni Del Rosario ang pagbibigay ng karampatang pension para sa mga atleta, ang Healthcare Heroes Card para sa mga health and medical frontliners, at ang pagbibigay ng tamang edukasyon at suporta sa mga batang may different learning abilities.