NAGKAKAISANG nanawagan at humingi ng tulong ang mga retired AFP personnel at mga sibilyan na naninirahan sa Sitio Kaunlaran upang tulungan silang huwag mapaalis sa lupa na kanilang tinitirahan.
Ayon kay Cenon de Galicia, Presidente ng Kaisahan ng mga Sundalo at Sibilyan sa Sitio Kaunlaran, Western Bicutan, Taguig City halos 30 taon na silang naninirahan sa nasabing lugar at ilegal ang ginagawang pagpapalayas sa kanila ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO).
Dagdag ni De Galicia, ilang ulit silang humingi ng tulong kay dating Taguig Mayor Lani Cayetano, ngunit wala umanong ginawa matapos pagbawalan ng kanyang asawa na si dating House speaker Alan Peter Cayetano na huwag makialam upang paboran ang mga negosyante na nais kumamkam sa kanilang lupain.
Dagdag ng mga residente, hindi pinapayagan ng AFPOVAI Vi na makapasok ang linya ng koryente, tubig, at maging ang mga internet provider sa kanilang lugar na labis na nagpapahirap sa kanilang mga anak na
nag-aaral sa online classes at apektado rin ang mga residenteng naka-work from home dahil sa pandemya.
Panawagan ng mga residente sa mga sitio ng Masagana, Matatag, Masigasig, Katipunan ng Maliwanag, at Kaiklatan kay Inday Sara, tulungan sila laban sa mga mapang-aping negosyante na nais kumamkam ng kanilang mga lupa upang gawing komersiyal.
Ayon sa mga residente hindi pinapayagan ng mga opisyal ng AFPOVAI na makapasok ang mga basic utility services tulad ng Meralco, Maynilad, at internet providers sa kanilang lugar upang gawin silang gatasan nito.
Ayon sa mga residente, kinakabitan sila ng sub-meter ng koryente at sinisingil ng halagang P35.00 kada kilowatt hour at P70.00 kada drum ng tubig at P6.00 kada container na galing umano sa deep well at hindi maaaring gamiting panluto o inumin.
Ayon kay Amalia Sabate, mula 2011 pa sila walang tubig, 60 beses na rin silang ilegal na ipina-demolish, at tatlong beses pinasunog ang kanilang mga bahay.
Dagdag ni Sabate, kinokompiska rin ng AFPOVAI ang kanilang construction materials at hindi pinapayagan makapasok sa kanilang lugar upang maipaayos ang butas-butas nilang bubong.
Kailangan pang umaakyat sa bubong ng bahay ang aming mga anak para lang magkaroon ng internet signal para makapasok sa kanilang online classes.
Taong 1965 noong ini-award ni dating Presidente Diosdado Macapagal sa mga residente ang nasabing government land.
Ayon kay Sabate, ngayon gusto nilang kunin para gawing libingan ng mga bayani, mas gugustuhin nilang bigyan ng maayos na lugar ang mga patay kaysa mga buhay na kagaya namin.