MANDALUYONG CITY – Kita sa drone shots na napuno ang iba’t ibang kalsada sa Mandaluyong ng libo-libong mga tagasuportang dumalo sa grand rally ng BBM-Sara UniTeam noong 13 Pebrero 2022.
Ayon sa pulisya, tinatayang mahigit 30,000 katao ang dumalo sa nasabing pagtitipon na pumuno sa kahabaan ng Nueve de Febrero, F. Martinez Avenue, at Fabella Road.
Pawang nakasuot ng pulang damit at may iwinawagayway na maliliit na bandila ng Filipinas ang mga nasabing tagasuporta na sa malapitang tingin ay sumunod sa health protocols sa nasabing pagtitipon.
Pinangunahan ni dating mayor at MMDA chairman Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., at Mayor Menchie Abalos ang mga taga-Mandaluyong sa pagpapakita ng suporta sa tambalan nina Presidential candidate Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., at vice presidential candidate Sara Z. Duterte-Carpio.
Matalino, pinakamagaling at higit sa lahat may puso, ang mga katangiang binanggit ni Abalos sa pagpapakilala kay Marcos, Jr.
“May 5, 2016 halos six years ago sa lugar na ito… Tumakbo siya [Marcos Jr.]. Ano ang ibinigay na boto ng Mandaluyong? Dumadagundong! Nanalo! Nanalo sa Mandaluyong! Nanalo sa kalakhang Maynila,” sabi ni Abalos.
“Kaya naman ngayon ay mas marami pa tayo,” dagdag ni Abalos bago ipakilala si Marcos, Jr., at bilang “susunod na presidente ng Filipinas.”
“Kami po ni Inday Sara ay may adhikaing pagkakaisa kaya naman po kami ay tinatawag na UniTeam dahil unity po ang aming pangarap para sa sambayanang Filipino!” paliwanag ni Marcos, Jr.
Inilatag ni Marcos, Jr., ang iba’t ibang platporma para sa bansa.
Dumalo rin sa grand rally ang mga senador na tumatakbo sa ilalim ng UniTeam slate pati si Toni Gonzaga na kumanta ng “Roar” at bumirit sa linyang “Eye of the Tiger, a fighter” alinsunod sa bansag kay Marcos, Jr., na ‘tigre ng Norte.’
Tinatayang may 230,000 rehistradong botante sa Mandaluyong, ayon sa COMELEC.