TINIYAK ni Presidential Candidate Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, patuloy niyang susuportahan ang Bangsamoro government at ang awtonomiya sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) kung siya ay mananalo sa May 9 national elections.
“Kung saka-sakali, kung mapanghahawakan ninyo ang salita ko na kayo rito sa BARMM pumanatag kayo katulad no’ng sinabi ni Gov. Toto (Mangudadatu) kanina, ni vice-governor na ‘yung batas na umiiral para sa maayos na proseso ng kapayapaan at kaunlaran para sa pamilyang Muslim dito sa atin sa Mindanao then isusulong ko ‘yun,” ani Moreno.
Kasama sina Aksyon Demokratiko senatorial candidates Samira Gutoc, Dr. Carl Balita, at Jopet Sison sa BARMM para sa Mindanao leg campaign trail, si Moreno ay naging special guest din sa mass oathtaking ng may 20,000 miyembro ng United Bangsamoro Justice Party na pinangunahan nina Maguindanao 2nd District Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu, dating Maguindanao 2nd District Rep. Zajid Dong Mangudadatu, dating Buluan Mayor Ibrahim “Jong” Mangudadatu, at dating Maguindanao 1st District Rep. Bai Sandra Sema.
Higit pa rito, nakatanggap ng hero’s welcome si Samira Gutoc sa kanyang pagdating bilang Muslim at isa rin siyang miyembro ng Bangsamoro Transition Commission (BTC), na naatasang ibalangkas ang Bangsamoro Basic Law (BBL) noong administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino.
Noong Hunyo 2021, inilunsad ni Mayor Isko ang unang Muslim Cemetery at Cultural Hall ng Manila City government sa loob ng Manila South Cemetery. Nahihirapan ang mga Muslim na ilibing ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay, dahil sa kawalan ng tama at maayos na libingan sa Maynila.
“Sa akin ang gobyernong ipararamdam natin sa tao ang gobyernong Mindanao, Visayas, Luzon; mahirap, middle class, mayaman. Gobyernong pantay-pantay sa mata ng pamahalaan. May equal opportunity and that’s the only way to achieve the long-lasting peace and prosperity in all corners, islands of our country and I will do that, may awa ang Diyos. Bigyan ako ng lakas ng pangangatawan at bigyan ako ng pagkakataon ng Diyos at ng taong-bayan matutupad ‘yung pangarap nila. Nasasanla naman ang laway ko e,” sabi ni Moreno.
Kung mahahalal, nangako si Moreno sa lahat ng Muslim na maaari nilang asahan ang isang ideyal, masinop at mahusay na pamahalaan na pantay-pantay ang pakikitungo sa mga tao anomang estado o katayuan sa lipunan.