HINDI maaaring mamatay sa ikalawang pagkakataon ang demokrasya!
Ito ang sigaw ng mga batang miyembro ng Akbayan Partylist nang magtipon sa EDSA People Power Monument noong Linggo upang maagang gunitain ang ika-36 anibersaryo ng People Power Revolution laban sa yumaong diktador na si Ferdinand Marcos.
Nakasuot ng itim na damit, naglagay sila ng anim na talampakang korona ng patay sa paanan ng monumento kasama ang mensaheng “huwag pumayag patayin muli ang demokrasya.”
Iniladlad din nila ang malaking streamer na may salitang “Kay Marcos Jr., ipaglalamay muli ang demokrasya.”
Sinabi ni Akbayan First Nominee Perci Cendaña, hindi dapat muling hayaang patayin ng mga Marcos ang demokrasya sa bansa.
Aniya, kapag nakabalik sa kapangyarihan ang pamilya Marcos, hindi lamang murals at posters ang kanilang buburahin at babaklasin kundi ang ating demokrasya, pati na ang katotohanan at kasaysayan.
“Ang mga Marcos ay hindi biktima ng EDSA. Nagkaroon ng EDSA dahil sa sobrang dami ng kanilang naging biktima,” dagdag ni Cendaña, na tinawag ang mga Marcos bilang serial killer ng demokrasya at mga institusyon nito.
Iginiit ni Cendaña, gagawin itong muli ng mga Marcos gamit ang troll army at mga tagapagkalat ng fake news ni Bongbong.
Nanawagan si Akbayan Second Nominee at Akbayan Youth Chairperson Dr. RJ Naguit sa mga batang botante, huwag hayaan ang mga Marcos na sirain ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng kanilang mga boto.
“The Marcoses tried to steal our past with their historical distortion, their lies and fantasies. Now, they want to use the elections to steal our future,” wika ni Naguit.
“Huwag nating hayaang nakawin ng mga magnanakaw na Marcoses ang ating kinabukasan gamit ang ating mga boto,” dagdag niya.
Ang People Power Revolution, kilala rin bilang EDSA Revolution, ay ang popular na pag-aalsa ng taong-bayan na nangyari noong 22-25 Pebrero 1986 na nagpatalsik sa rehimeng Marcos.