DUMATING sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang apat sa anim na overseas Filipino workers (OFWs) na humiling magbalik-bayan mula nitong Biyernes ng gabi, 18 Pebrero.
Inaasahang darating sa bansa ang dalawa pang OFW sakay ng flight mula sa ibang lungsod ng Ukraine ngayong linggo.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nagbigay ng tulong ang Philippine embassy sa Warsaw, Poland para sa anim na Filipino.
Sakay ang apat sa kanila, isa ang may kasamang sanggol, ng Turkish Airlines flight mula sa Kyiv, kabisera ng Ukraine, at dalawang mula sa Lviv.
Sa kanilang pahayag, sinabi ng DFA, patuloy ang kanilang pagbabantay sa sitwasyon sa mga border ng Ukraine habang patuloy na nakikipag-ugnayan ang Philippine Embassy sa Poland sa Filipino community, sa loob ng Ukraine na mayroong 380 Filipino naninirahan.
Pinapayohan ang mga OFW na nagnanais humingi ng tulong para sa repatriation na makipag-ugnayan sa Philippine embassy sa Poland sa pamamagitan ng kanilang email: [email protected]; emergency mobile number: +48 604 357 396; at office mobile number: +48 694 491 663.
Samantala, sinalubong ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief Hans Cacdac at ilang kinatawan ng DFA si Danyil Masli, tubong Nueva Ecija, at kaniyang 19-buwang gulang na sanggol pati ang tatlong iba pang OFW sa naturang paliparan.
Ayon sa OFWs, nagdesisyon silang magbalik sa bansa dahil sa pag-init ng banta ng pananakop ng bansang Russia sa Ukraine na para sa kanila ay hindi maaaring mapigilan.
Dagdag nila, higit 300 OFWs ang naghihintay sa advisory mula sa DFA kung sakaling kailangan ng repatriation.
“We are urging all Filipinos in Ukraine to contact the Philippine Embassy in Warsaw and the Philippine honorary consulate general in Kyiv if they would like to request for repatriation assistance from Ukraine,” pahayag ni Philippine ambassador to Poland Leah Ruiz.
Masusing nakikipag-ugnayan ang embahada sa Warsaw sa mga Philippine honorary consulate general sa Kyiv at sa consulate general ng Istanbul upang matiyak na matulungan ang OFWs para sa kanilang pagbabalik sa bansa mula sa lahat ng transit point.
Gayondin, sinabi ni Cacdac, magbibigay ng “pangkabuhayan package” kung gugustuhin ng mga OFWs na magtayo ng maliit na negosyo sa bansa habang hinihintay bumuti ang sitwasyon sa Ukraine.