TALIWAS sa resulta ng Pulse Asia poll, sinabi ni dating senador Antonio Trillanes na umangat si presidential candidate at vice president Leni Robredo sa internal survey na ginawa ng Magdalo Group noong Enero.
Sa katatapos na Pulse Asia survey na ginawa mula 19-24 Enero 2022, nakakuha si Ferdinand Marcos, Jr., ng 60 porsiyento habang 16 porsiyento si Robredo.
Ngunit sinabi ni Trillanes, lumitaw ang maling pamamaraan ng Pulse Asia poll matapos lumabas sa Magdalo survey noong Enero na nakakuha ng dagdag na anim na puntos si Robredo, mula 16 porsiyento noong Nobyembre patungong 22 porsiyento.
Base rin sa nasabing survey, nawalan si Marcos ng anim na puntos sa loob ng dalawang buwan, mula 59 porsiyento patungong 53 porsiyento.
“May dismal track record sila. Ginagamit sila as a propaganda tool and flawed iyong methodology,” wika ni Trillanes, na nagsabi pa na hindi ginawa sa real-time ang survey.
“One month ago na nangyari ‘yan. Ang dami nang intervening events. One month is a very long time in campaign politics,” dugtong ni Trillanes.
Kinuwestiyon din ni Trillanes kung paano nakapagsagawa ang Pulse Asia ng survey habang nasa kasagsagan ng Omicron surge ang bansa.
“We question kung totoo ngang nag-conduct sila ng in-person survey o baka tawag-tawag lang ito,” wika niya.
Ipinunto rin ni Trillanes na kinontra rin ng lakas ng mga tagasuporta, batay na rin sa bilang ng mga taong dumadalo sa mga sortie, ang resulta ng Pulse Asia survey.
“Huwag tayo basta-basta magpabudol sa mga survey upang hindi tayo malinlang sa totoong sitwasyon,” wika ni Trillanes.