PERA na naging bato pa.
Ito ang karanasan ng binansagang ‘lasenggong pangulo’ ng homeowners association na nahulihan ng baril matapos ireklamo sa madalas na panunutok tuwing nalalasing sa bayan ng Montalban (Rodriguez), lalawigan ng Rizal, nitong Sabado ng umaga, 12 Pebrero.
Sa ulat na tinanggap ni Rizal PPO Provincial Director P/Col. Dominic Baccay, kay Rodriguez MPS P/Lt. Col. Marcelino Pipo, Jr., kinilala ang nadakip na si Richard Orario, HOA president at nakatira sa Sitio Catmon, Brgy. San Rafael, ng nabanggit na bayan.
Nabatid na dakong 9:35 ng umaga kamakalawa nang arestohin ang suspek sa loob ng kaniyang bahay sa Sitio Catmon.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa suspek ang isang improvised firearm (sumpak), apat na bala ng shotgun, isang kalibre .38 revolver kargado ng limang bala, at holster.
Isinilbi ni P/Lt. Fernand Romulo laban sa suspek ang search warrant na inisyu ni Executive Judge Josephine Zarate Fernandez ng Regional Trial Court Branch 76 ng San Mateo Rizal.
Sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSgt. Andrew Brioso Guerrero, nagpanggap na bibili ng lupa si Romulo sa suspek gamit ang daan libong boodle money at dito nakompiska ang baril at bala.
Nauna rito, madalas ireklamo ng mga kapitbahay ang abusadong suspek dahil sa panunutok ng baril sa tuwing malalasing.
Sasampahan ang suspek ng kasong paglabag sa RA 10591 in relation to Omnibus Election Code. (EDWIN MORENO)