SA NATIONAL Capital Region (NCR), nangunguna ang alyansa nina dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., (47.94%) at Mayor Sara Z. Duterte (44.62%).
Isinasaad ng survey na karamihan sa mga nanunungkulan sa Metro Manila na tumatakbo para sa muling halalan o sa ibang katungkulan ay nananatiling pinakagustong kandidato sa pinakahuling pag-aaral ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD).
Lumitaw sa survey sa Quezon City, si Mayor Joy Belmonte pa rin ang top choice dahil sa mahusay na pamamahala na nakakuha ng 65 porsiyento ng boto kaysa 32 porsiyento ni Rep. Mike Defensor sa karera para sa alkalde ng lungsod. Tumaas pa ng 3% ang score ni Belmonte, samantalang -2% naman ang ibinaba ni Defensor.
Suportado ng mga Navoteño ang magkapatid dahil sa kanilang proyekto at programa kaya humataw si Mayor Toby Tiangco (87%) na tumatakbo para sa pagka-Kongresista at si Cong. Rey Tiangco (83%) sa pagka alkalde laban sa mag-amang Gardy Cruz (10%) at RC Cruz (11%).
Samantala sa Caloocan City, kombinsido ang mga botante para sa “Team Malapitan” kaya si Rep. Along Malapitan na tatakbo para sa Mayor ay nagtala ng mataas na 73% rating kompara kay Rep. Egay Erice na nakakuha ng 26% percentage points. Sina Mayor Oca Malapitan (87%) at Dean Asistio (69%) ay namamayagpag din laban kina Alou Nubla (11%) at Recom Echiverri (25%), ayon sa pagkakasunod.
Si Rep. Ruffy Biazon naman ang nangunguna para sa local chief executive position ay nakakuha ng napakataas na 71% ng boto sa Muntinlupa City kompara kay Marc Red Mariñas sa 28%.
Sa Pasig City, 68% ng mga respondent ang tumataya kay incumbent Mayor Vico Sotto, samantala 31% ang nagsabing susuportahan nila si Vice Mayor Iyo Bernardo.
Si Vice Mayor Honey Lacuna sa Maynila ay umabot sa 57% ng boto samantala si dating Rep. Amado Bagatsing ay nakakuha ng 30% at Alex Lopez 11%.
Karagdagang frontrunners ang incumbents na sina Mayor Abby Binay ng Makati City (95%), Imelda Aguilar ng Las Piñas (89%), Ike Ponce III ng Pateros (82%), Francis Zamora ng San Juan (88%), Emi Calixto Rubiano ng Pasay (76%), at Marcy Teodoro ng Marikina (55%).
Ang iba pang nangunguna ay sina Benjamin Abalos, Sr., sa Mandaluyong (92%), Rep. Weslie Gatchalian ng Valenzuela (90%), Rep. Eric Olivarez ng Parañaque (70%), Rep. Lani Cayetano ng Taguig (66%), at Jeannie Sandoval (52%) sa Malabon.
Ang “Halalan 2022 NCR Survey” ay gumamit ng random sampling na may kabuuang 10,000 rehistradong botante (1,000-1,500 sa malalaking lungsod na may margin of error 2.5% hanggang 3% habang 850 respondents na may margin of error 3.36%) bilang mga respondent sa iba’t ibang bahagi ng mga lugar sa Metro Manila na nagpapatupad ng mga personal na panayam, sabi ni Dr. Paul Martinez ng RPMD.