NAGPAHAYAG ng kaniyang buong tiwala si presidential candidate Maria Leonor “Leni” Robredo nitong Martes, 8 Pebrero, sa kaniyang desisyong piliin si Senator Francis “Kiko” Pangilinan bilang kaniyang running mate, kasunod ang pagsasabing may pagkakatulad ang ugali ng Senador at ng kaniyang namayapang asawang si dating DILG Secretary Jesse Robredo.
Sa opisyal na campaign kickoff sa lungsod ng Naga kahapon, isinalaysay ni Robredo na una niyang nakilala si Pangilinan nang bumisita ang Senador dito para mangampanya noong panahong nagsisilbi bilang alkalde ang kaniyang asawa.
Aniya, tuwing abala si Jesse Robredo sa kaniyang mga trabaho bilang alkalde, siya ang sumasama kay Kiko sa pag-iikot sa lungsod ng Naga.
“Hinahangaan ko si Senator Kiko dahil kung gaano siya kasimple noon, ganoon pa rin siya kasimple ngayon. Sabi ko nga sa kanya, matagal ka nang senador, asawa mo ay mega star, pero hindi ka nagbabago. Sobra ang pagkasimple,” pahayag niya.
Bukod sa pagiging simple, hinangaan din ng kasalukuyang bise president ang puso ng senador sa pagsisilbi sa ‘marginalized sectors’ na makikita sa kaniyang track record bilang dating food security secretary at advocate ng agrikultura.
Dahil dito kung bakit umano pinili ni Robredo si Pangilinan bilang kaniyang bise presidente, una niyang inasahang tatanggihan ng huli dahil sa ilang ‘personal’ na dahilan.
Dagdag niya, kung tatanggi noon si Pangilinan ay tatakbo siyang walang running mate.
Nawala ang alinlangan ni Robredo nang pumayag si Pangilinan sa kaniyang alok.
Napahanga ang bise presidente sa kaniyang running amte dahil hindi niya umano tiningnan ang personal na mga sirkumstansiya sa kaniyang buhay bagkus mas tinitingnan niya kung ano ang makabubuti sa bayan.
“Kung may pagkakataong makatulong sa mas marami; kung may pagkakataong maglingkod sa mas malawak na paraan; kung tatawagin sa mataas na katungkulan — tungkulin nating tumugon lalo sa gitna ng pinakamatinding krisis sa kalusugan at ekonomiya ng bansa,” pahayag ni Pangilinan matapos maghain ng kaniyang kandidatura sa pagka-bise presidente noong Oktubre 2021.