NASAKOTE ng mga awtoridad ang tatlo sa apat na hinihinalang mga shoplifter sa ikalawang pagkakataong isinagawa nila ang krimen sa isang grocery store nitong Linggo ng hapon, 6 Pebrero, sa bayan ng Tanay, lalawigan ng Rizal.
Sa ulat na tinanggap ni Rizal PNP Provincial Director P/Col. Dominic Baccay mula kay P/Lt. Col. Ruben Piquero, hepe ng Tanay MPS, kinilala ang mga nadakip na sina Alberto Salas, 53 anyos; Joan Marcaida, 46 anyos; at Adelisa Paz, 61 anyos, pawang mga residente sa Brgy. Bagong Barrio, Caloocan City, habang nakatakas ang kanilang kasamahang si alyas Amor, 51 anyos, ng Malabon City.
Nabatid na dakong 1:00 pm noong Linggo, pumasok ang mga kawatan at nagpanggap na mga costumer sa Michanmar Minimart sa J.P. Rizal Ave., Brgy. Sampaloc, sa nabanggit na bayan.
Agad umanong dumampot ng iba’t ibang produkto ang mga suspek saka isa-isang lumabas nang hindi binabayaran sa counter ang kanilang mga kinuha.
Ayon sa nagreklamong si Anna Marie Mago at saksing si Joan Lasay, hiningi nila ang saklolo ng guwardiyang si Francis Mandigma na ikinadakip ng tatlong suspek.
Nabawi mula sa tatlo ang mga ninakaw na grocery items na nagkakahalaga ng P1,013.26.
Sa review sa kuha ng mga CCTV ng pulisya, lumabas na una nang nasalisihan ng mga suspek at nanakawan ang mini-store noong Biyernes, 4 Pebrero, kung saan nakatangay ng mga grocery items na umabot sa halagang P58,693.
Dagdag ni Piquero, modus ng mga suspek ang dumayo sa mga probinsiya mula sa Caloocan at Malabon para makapambiktima.
Kasalukuyan nang nakapiit ang mga akusado na sinampahan ng kasong Theft (Shoplifting) sa korte. (EDWIN MORENO)