AGAD binawian ng buhay ang siyam katao kabilang ang isang sanggol na babae, habang sugatan ang dalawang iba pa nang bumangga ang isang van sa isang bahay sa bayan ng Lal-lo, lalawigan ng Cagayan, nitong Sabado ng gabi, 5 Pebrero.
Kinilala ang siyam na namatay na biktimang sina Aladin, Duarte, Jeric, Eric, at Charie, lahat ay may apelyidong Oñate; May-ann, Rosita, at Elisa, pawang may apelyidong Martinez; at Clarita Maganay.
Ayon kay P/Maj. Jefferson Mukay, hepe ng Lal-lo Municipal Police Station, minamaneho ang van ni Dan Vincent Domingo, 42 anyos, miyembro ng Philippine Army na nakatalaga sa lungsod ng Tabuk, lalawigan ng Kalinga, nang bumangga sa isang bahay sa Brgy. San Lorenzo, sa nabanggit na bayan, dakong 9:30 pm kamakalawa.
Pahayag ni Mukay, hindi natantiya ni Domingo ang pakurbang daan na naging sanhi ng aksidente.
Ayon sa ulat ng pulisya, kabilang ang mga biktima sa dalawang magkahiwalay na bahay, at ang pinakabatang biktima na si Elisa, wala pang isang taong gulang.
Sa panayam sa telepono, sinabi ni Bryan Lyssander Torida, ng Lal-lo MDRRMO at pinuno ng Allacapan rescuers, nagulantang ang mga biktima sa pangyayari at hindi na nagawang makatakbo nang sumalpok sa kanilang bahay ang van.
Nakasaad din sa ulat na dinala sa Matilde Olivas District Hospital si Domingo at kaniyang hindi kilalang pasahero na kapwa sugatan sa aksidente.
Nabatid na patungo si Domingo sa bayan ng Luna, sa lalawigan ng Apayao nang hindi niya matantiya ang kurbadang kalsada sa highway kaya napunta sa kabilang lane saka sumalpok sa bahay ni Renato Dolores at sa garahe ni Ashley Sajania, kung saan naipit ang nakaparadang tricycle at mga biktimang kasalukuyang nakaupo sa lugar.
Nakatakdang sampahan ng kasong multiple homicide due to reckless imprudence si Domingo.