SINAMPAHAN ng mga awtoridad ng mga kasong paglabag sa cybercrime law, alarm and scandal, at publication and unlawful utterances, ang tatlong sinasabing mga promotor ng ‘viral road rage prank’ sa social media sa lungsod ng Marikina.
Kinilala ni P/Col. Benliner Capili, hepe ng Marikina CPS, ang mga suspek na sina Jonathan Esquillo, Joseph Josef, at Jonathan Tablando.
Isinampa laban sa mga suspek ang mga kasong paglabag sa Article 154 of RPC (Unlawful use of means of publication and unlawful uterreances) in relation to RA 10175 (Cybercrime Law), Art. 155 (Alarm and Scandal), at Unjust Vexation.
Matatandaang nag-viral ang ‘prank video’ na ‘Road Rage Scene’ sa Facebook page ng mga suspek sa Marikina River Park noong nakaraang Miyerkoles ng umaga, 26 Enero.
Hiniling din ng pamunuan ng Marikina PNP sa mga video uploader na humingi ng public apology sa pamamagitan ng social media na may caption na “Road Rage Viral Scene Apology”para sa humanitarian consideration.
Tiniyak ng Marikina PNP na sasampahan nila ng kasong kriminal ang mga suspek na responsable sa viral video. (EDWIN MORENO)