DALAWAMPU’T APAT ORAS nag-trending ang #MarcosDuwag sa social media kamakailan matapos umatras ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at hindi nagpaunlak ng panayam sa award-winning journalist na si Jessica Soho.
Kabilang sa nagpaunlak sina Vice President Leni Robredo, Senador Panfilo Lacson, Manny Pacquiao at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso. Ang interview ay ipinalabas noong Sabado ng gabi sa GMA Network.
Dahil sa pag-atras ni Bongbong, nag-trending sa social media ang hashtag na #MarcosDuwag.
Inulan din ng batikos si Marcos mula sa mga netizen, na nagsabing paano magagampanan ni Marcos ang tungkulin ng isang pangulo kung sa simpleng interview lang ay hindi niya magawang dumalo.
Para naman sa iba, mas mahalaga kay Marcos ang dumalo sa binyag at kasal kaysa ilahad sa taongbayan ang kanyang mga plano at programa para sa bansa.
Sinabi nila, ayaw ‘magisa’ ni Bongbong ukol sa mga isyu ng kanyang pamilya, pati na ang fake news na pinakakalat ng kanyang mga tagasuporta sa social media.
Pinuri ng iba pang netizens sina Robredo, Lacson, Pacquiao at Moreno na tinanggap ang hamon na ‘magisa’ sa pagtatanong ni Soho. (HNT)